Kailangan din natin iwan pansamantala ang magulong siyudad at di natin kailangan lumayo dahil nandyan ang Mount Purro Nature Reserve sa Antipolo, Rizal.
Masarap na mahirap ang buhay sa siyudad. Malapit sa mga pasyalan, tanggapan ng pamahalaan, at sa mga pinagtatrabahuhan na kumpanya. Pero minsan hinahanap natin ang lugar na payapa at tahimik. Yung walang polusyon at tanging huni ng ibon at ihip ng hangin lang ang maririnig. Yung maari kang mag-muni-muni at isipin lamang ang magagandang bagay.
Kamakailan ay nagkaroon ng pagkakataon ang inyong lingkod na sandaling iwan ang mga hugot ng kalunsuran ng bumisita kami sa Mount Purro Nature Reserve, isang family-run resort at nature camp sa Brgy. Calawis, Antipolo, Rizal. Ang 36 na ektaryang lupain sa may Bundok ng Sierra Madre ay nagsimula sa bisyon ni Ginoong Toto Malvar na mapangalagaan ang kalikasan. Ngunit hindi ito naging madali sapagkat kinailangan muna nilang punan ang pangangailangan ng mga tao sa komunidad partikular na ang mga katutubong Dumagat.
Sabi nga ni Ginoong Malvar sa isang panayam, “Pagdating naming dito tanim kami ng tanim ng puno but we had a problem, kasi ang dream namin kalikasan, ang dream namin puno, ang dream ng mga tao dito was just to survive. Tanim kami ng tanim tapos after you finish planting they uproot our seedling, hinihila talaga yan, maiiyak ka…bakit naman? Pag lumakilaki na, mga two years, three years, puputulin naman nila yun, gagawing uling. Baka ang dapat gawin na muna natin ang pangarap nila na pangarap natin. Tapos in time, gagawin nila yung pangarap natin na pangarap nila. So instead of planting trees, we have to plant in the hearts of people, we have to plant in the hearts of the community. So that’s what we did.”

Si TJ Malvar, anak ng may-ari na si Ginoong Toto Malvar na malugod na sinalubong ang mga bloggers sa Mount Purro Nature Reserve.
Sa pagbubukas ng Mount Purro Nature Reserve ay nabigyan nila ng trabaho ang mga tao sa lugar, bukod dito ay mayroon din silang scholarship para sa mga bata at libreng klinika para sa mga pangangailangan na medikal. Sa pamamagitan nito ay inaasahan ng MPNR na hindi na sila magsasagawa ng pagkakaingin at pag-uuling na nakakasira sa kalikasan.
Nais ng pamunuan ng MPNR na maibahagi ang pilosopiya ng pangangalaga sa likas na yaman hindi lamang sa mga kawani nito kundi pati na rin sa mga taong bumibisita sa resort. Lahat ng guest ay may orientation sa oras na sila ay mag-check in upang maging aware sa nais ng pamunuan ng MPNR.
Angkop ang lugar para sa weekend getaway, team building at mga pagtitipon. Walang TV sa accomodation pero kung panonood lang naman ng TV ang habol mo, hindi ka naman siguro pupunta dito para doon.
Tumuloy kami sa kanilang Loft Cottage (good for 5, maximum capacity ay 12 katao) na isang pinasosyal na kubo. Farm-style ang accomodation sa MPNR kaya parang nasa probinsya ka lang at kulang na lang ay poso sa harap ng bahay. Pero dito walang nagtsitsismisang kapitbahay o tambay na nag-iinuman. Payapa ang paligid at bawal na mag-ingay pagsapit ng alas diyes y medya ng gabi.
![]() |
![]() |
Pero kung gusto mong makipag-socialize ay may bonfire area para makipag-bonding, kumanta ng Kumbaya at mag-ihaw ng marshmallow at hotdog.
Meron din silang Pavilion Hostel na dorm type, 500/head at minimum na 8 pax para makapag-book. Shared ang toilet at bathroom dito. Pwede ka pang mag-slide pababa kapag nagmamadali ka na.
![]() |
![]() |
Meron din silang conference area na maaaring gawing activity area, pook ng lecture o kahit wedding reception venue.
Pag resort, siyempre may swimming pool, sakto ito para magtampisaw at mag-post ng piktyur sa Instagram at Facebook na may hashtag na #FeelingBlessed.
![]() |
![]() |
Pag nagutom ka naman ay pwede kang pumunta sa Loli’s Kitchen @ The Mess Hall jung saan may buffet-style meal sila para sa mga bisita. Home-style ang luto kaya siguradong mag-eenjoy ka sa masarap nilang mga putahe.
![]() |
![]() |
Panalo ang pako salad, ensalada, at turon, paumanhin dahil ito lang yung may mga maayos akong larawan. Ang iba ay alaala na lamang.
![]() |
![]() |
Ang pinaka-highlight ng aming pagbisita ay ang pagkakataong makasalamuha ang mga Dumagat na nagtatrabaho sa MPNR. Ipinakita nila Kuya Sonny, Kuya Rey at Kuya Isok ang tradisyonal na pagluluto ng mga katutubong Dumagat na gumagamit lamang ng kawayan o buho.
Nagsimula ang proseso sa paggawa ng apoy mula sa kusot galing sa kawayan. Medyo matagal kumpara sa paggamit ng kalan pero legit mga pre kaya konting pasensya ang kailangan.
Kailangan ay tuyo ang kawaya para mas madali ang apoy. Buti na lang andun sina Kuya Sonny kasi kung kami lang gagawa nun ay baka hapon na ay wala pang baga.
![]() |
![]() |
Sinigang na baboy ang menu for the day at dahil tradisyonal ito ay walang halong sinigang mix na nakasanayan na natin gamitin dahil sa hectic na schedule at mabilis na buhay sa lungsod. Ang ginamit na pampaasim ay ang dahon ng puno ng bilukaw na tumutubo sa lugar.
Pag may sinigang hindi mawawala ang kanin kaya nagsaing din sina Kuya Sonny sa kawayan at may pandan para mabango ang sinaing. Matapos ang isang oras ay may naluto na at pinagsaluhan ng aming grupo.
Paano ang pagpunta sa Mount Purro Nature Reserve
- Sumakay ng UV Express van na nakaparada sa may Gateway Mall (along Aurora Boulevard), Php 35.00 hanggang Cogeo, Antipolo. Mga 40 minuto ang biyahe, mas matagal kung matindi ang daloy ng trapiko.
- Pagdating ng Cogeo ay sumakay ng jeep na biyaheng Paenaan, magpababa sa kanto ng Veterans. Php 23.00 ang pamasahe at humigit kumulang ay 50 minuto ang biyahe (Thank you Budget Biyahera).
- Pagbaba sa Veterans ay sumakay ng tricycle (dalawang tricycle ride, magkaiba yata ang TODA kaya ganun), Php 145.00 ang suma total.
I-download ang direksyon papuntang Mount Purro Nature Reserve.
Address: Purok 5, Barangay Calawis, Antipolo City, Philippines
Tel: 09985612815
E-mail: sales.mountpurronaturereserve@gmail.com
Para sa dagdag na impormasyon bisitahin ang kanilang opisyal na website.