
Ano ang naiisip mo pag nababanggit ang Bicol? Malamang ay Bulkang Mayon, pili nuts, laing, lugar ng mga uragon ang ilan sa agad na papasok sa iyong isipan, tama ba ako? Ngunit maliban sa mga bagay na ito ay punong puno rin ng kasaysayan ang rehiyon na ito ng ating bansa. Kaya nga napili ito ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining na maging lugar ng pagbubukas ng pagdiriwang ng National Heritage Month nitong nakaraang buwan ng Mayo. Ang Taoid Heritage Program ay ang pangunahing programa ng komisyon para sa pag-alala sa mga pamana ng ating mga ninuno upang maipagpatuloy ito ng mga susunod na henerasyon.
Ang mga probinsya ng Albay, Masbate at Sorsogon ang naging punong-abala sa pagbubukas ng National Heritage Month. Tinatawag na AlMaSor, na ayon sa wikang Kastila ay “soul sisters,” ipinakita ng magkakapatid na lalawigan ang pamanang matatagpuan sa kani-kanilang lugar.
Nagsimula ang pagbubukas ng pagdiriwang bukang liwayway ng unang araw ng Mayo. Habang nahihimbing pa ang iba at tumitilaok pa ang mga alagang manok ay nagpunta na sa Cagsawa Ruins ang mga kalahok sa Walk for Heritage kung saan sumama ang mga delegado mula sa NCCA, mga residente ng Daraga at mga kalahok sa Angat Kabataan Heritage Camp , ito ay upang gunitain ang paglipat ng mga tagaparokya ng Cagsawa sa Daraga matapos ang matinding pagsabog ng Bulkang Mayon noong taong 1814. Ang ruins ng simbahan na itinayo ng mga Pransiskano ang nananatiling paalala ng panganib na dala ng pagtira malapit sa bulkan na gaya ng Mayon.
Ang destinasyon ng umagang iyon ay ang simbahan ng Nuestra Señora de la Porteria (Our Lady of the Gate) na matatagpuan sa burol ng Sta. Maria kung saan kitang kita ang Bulkang Mayon. Itinayo noong taong 1773, ang simbahan ay isa sa mga halimbawa ng Baroque architecture sa ating bansa. Dineklara itong National Historical Treasure ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas noong 2008.
Pagdating sa makasaysayang simbahan ay nagkaroon naman ng demonstrasyon sa paggawa ng ilang lokal na kakanin gaya ng suman sa ibos at balisungsong at ng mainam nitong kapares na tsokolate. Ang pamana ay hindi lamang siyempre makikita sa mga istruktura kundi pati na rin sa pagkain. Agad din naman itong ipinatikim sa mga naroroon, pamanang agahan ikanga nila.
Natatanging panauhin sa pagdiriwang ang imahe ng Sto. Niño de Cebu, na sinasabing dumating sa bansa noong 1521 bilang regalo ni Ferdinand Magellan kay Rajah Humabon at sa asawa nitong si Humamay (base sa historical accounts ni Antonio Pigafetta). Dakong alas tres ng hapon ng unang araw ng Mayo 2014 ay dumating naman sa Albay ang imahe ng Sto. Niño.
Kinagabihan ay nagtungo muli ang lahat sa Simbahan ng Daraga para sa paglulunsad ng Taoid Heritage Program at pormal na pagbubukas ng National Heritage Month 2014. Naging panauhing pandangal si Gob. Joey Sarte Salceda at ang Heritage Ambassador 2014 na si Enchong Dee.


Itutuloy…
Like this:
Like Ikinakarga...