Pinoy Hoops Episode One: Ghetto Superstars, Papa Cute, Basketball Karaoke and our indefatigable spirit


pinoy hoops

Tumira ako sa isang compound sa Brgy. Tatalon, Lungsod Quezon taong 1993 hanggang 2001. Nagtatrabaho noon si ermat sa pabrika ng plastik at stay-in ang mga empleyado. Libre ang tubig, kuryente, LPG pero mababa ang suweldo. Ngunit kahit mababa ang kita ay masaya naman ang mga tao, madalas na pinagkakalibangan doon ay ang tatlong B, Bingo, Bilyar at Basketbol. Hindi lahat ng nakatira doon ay mayroong telebisyon kaya kung araw ng Biyernes at Linggo na araw din ng telecast ng PBA ay makikitang nagkukumpulan sa isang kwartong yun ang pinapanood ang mga trabahador na panatiko ni Jawo, Patrimonio, Fernandez atbp.

Kung hindi nanonood ng PBA ay naglalaro naman sila sa half court na nasa gitna ng compund pagdating ng hapon. Kung minsan ang simpleng laro ay nagiging seryoso, may nababalian, may dumudugo ang ilong at may pagkakaibigan na nagkakaroon ng lamat. Ngunit anumang gulo na dulot ng basketbol ay nareresolba rin sa tulong ng isang boteng bilog (Ginebra FTW).

pinoy hoops (4)

Huwag nyo nang itanong kung naglalaro ako ng basketbol dahil noong namigay ng atletisismo ang basketball gods ay mahimbing akong natutulog kaya wala akong nakuhang kahit konting abilidad para magdribol at mag-shoot ng bola. Isang bagay na pinanghihinayangan ko at di ko natutunan, dahil nga sa isang bansa na tulad ng Filipinas na may matinding obsesyon sa larong ito, ang isang di marunong magbasketbol na gaya ko ay katulad ng isang taong di kumakain ng adobo.

Bagama’t di ako naglalaro at konti lang ang kaalaman ko pagdating sa terminolohiya ng laro ay nanonood naman ako ng basketbol. Di nga lang ganun ka-panatiko gaya ng iba ngunit nanonood pa rin at kilala ko naman ang mga manlalaro. Kaya nga nung mabalitaan ko na may 3 part special ang National Geographic na Pinoy Hoops ay di ko pinalampas na mapanood ito. Wala kaming cable subscription sa bahay kaya mabuti na lang ay may YouTube at na-download ko ang unang bahagi nito.

pinoy hoops (6)

Kung nabasa nyo ang Pacific Rims (hindi ito yung pinagbasehan ng pelikulang maraming robot) ay kilala nyo na ang host na si Rafe Bartholomew, Kuya Paeng para sa kanyang mga nakasalamuha dahil sa pagaaral niya sa obsesyon nating mga PInoy sa larong naimbento ni James Naismith. Amerikano ngunit matatas sa Filipino, mas marunong pa yata siya sa ating sariling wika kumpara sa ilang Filipino na tila tumira yata sa prairies ng Kansas at may twang kahit kumakain ng kropek, no offense, just my observation.

pinoy hoops (5)

Unang pinuntahan ni Rafe ang Old Cabaret Hotel sa Lungsod ng Caloocan, ang abandonadong gusali ay naging tirahan na ng mga taong salat sa buhay. Ang dating dance floor nito na ngayon ay napapaligiran ng mga sampayan ay may isang full court na palaruan na ng mga residente. Ghetto superstars na matatawag ang mga manlalaro. Walang tsinelas, mainit ang araw, minsan daw ay walang makain pero tuloy tuloy pa rin ang laro, all for the love of the game.

pinoy hoops (7)

Sunod niyang ipinakita ang mga dapat tandaan ng isang player na nais maglaro sa mga kalye ng Pinas, Pinoy Street Ball for the uninitiated. Ang laro na nasa gitna ng kalsada, normal na para sa ating mga Pinoy ngunit maituturing na kakatwa ng mga banyaga. Ang mga sasakyan ay nakikiraan at bola ng basketbol ang simbolo ng kaharian. Ang manonood ay may opinyon sa nangyayari sa laro, bawat galaw ng player ay sinusundan at may kasamang hiyaw ang bawat shoot sa ring. Bawal ang pikon dahil siguradong panunuya ang aabutin mo.

Hindi rin kailangan ang mamahaling sneakers, alamat kang maituturing pag lagi kang nakaka-shoot even thoug you’re barefoot. At dahil ang mga Pinoy ay henyo pagdating sa mga pangalan, mula sa paglalagay ng H (Jhoan, Dhian, etc.) at mga kakaibang pangalan ng tindahan (Curl Up and Dye, Robocock atbp.) pati mga pangalan ng mga koponan sa mga liga sa baranggay ay hindi papahuli dyan. Exhibit A (larawan sa ibaba)

pinoy hoops (12)Matapos ang labanan sa kalye ng Kamaynilaan ay nagpunta naman si Rafe sa Sitio Papatahan, isang liblib na sitio sa Laguna. May mga usap usapan na diumano ay naglalaro dito ng basketbol ang mga puwersa ng militar at mga miyembro ng New People’s Army (NPA). Simple ang buhay nila at ang court ay lupa, clay court kumbaga, at ang basketbol ay ang kanilang libangan. Ang court ay pinagdarausan din ng beauty pageant at singing contest tuwing piyesta.

pinoy hoops (10)Walang nakumpirma si Rafe kung totoo nga ang bali-balita, ngunit bahala na tayong mga manonood para humusga kung nag-shoot nga ng hoops ang mga tropa ni Ka Joma kalaban ang mga militar. Malay natin, basketball would be the key to finally end the insurgency in our country.

Pagkatapos ng boondocks ng Laguna ay muling nagbalik sa syudad si Rafe at tinungo ang Bagong Barrio sa lungsod uli ng Caloocan. Street ball uli at dahil nga sa siya ay Amerikano at matangkad sa karaniwang Pinoy inaasahan ng mga tao doon na magaling siyang magbasketbol. Nagpakita ng ilang tricks ang ating host na ikinatuwa ng mga miron.

pinoy hoops (16)Habang may laro laro lang na nangyayari doon, sa kabilang kalsada naman ay may pa-liga, dito naka-jersey ang mga manlalaro at required and basketball shoes. It’s as close as the people can get to watching a professional league. Sabi nga niya, “…the world comes to a stop and it seems everyone comes to watch.”

Bukod sa basketbol ay ano pa nga ba ang isa pang kinahihiligan nating mga Pinoy? Videoke, Kung gaano kasidhi ang ating pagmamahal sa basketbol ay ganoon din ang ating pagkahilig na kumanta. Kung halos lahat eskinita ay may isang basketball court, paniguradong sa di kalayuan ay may videoke. What’s even better than that? Basketball karaoke. Habang bumibirit ay background video naman ang ilang highlights ng mga laro sa NBA. Napakanta nang wala sa oras si Rafe at at bumirit ng “Buloy” na klasik ng Parokya ni Edgar.

pinoy hoops (21)Last stop, Payatas sa Lungsod Quezon. Sa gilid ay ang malawak na tambakan, ang amoy nito ay nanunuot sa ilong at di mo mapapasubalian, ang katabi nito ay ang tirahan ng mga taong umaasa sa pera mula sa basura. Kahit sa lugar na ito ay basketbol at basketbol pa rin ang libangan.

pinoy hoops (25)Sa isang computer shop ay may mga naglalaro ng video game ng NBA (pa-piso piso, kahit saan talaga ay umiiral ang kulturang tingi nating mga Pinoy), sa labas naman ay may mga paslit na naglalaro ng basketbol. Maliksi, magaling kahit walang pormal ng training, madalas ay ginagaya lang nila sa kanilang napapanood na mga sikat na manlalaro, sa PBA man o sa NBA.

pinoy hoops (29)Nakakatuwa na isa pang Amerikano na gaya ni Rafe ang nagpakita sa ating mga Pinoy kung gaano natin kamahal ang larong ito. Sabi nga niya sa huling bahagi ng programa, “Basketball is not just a coping mechanism, It’s an expression of an indefatigable spirit.” What’s indefatigable you say? Nose bleed ba mga dre? In simple terms, PUSO mga pare, PUSO.

pinoy hoops (8)

We Pinoys have the biggest hearts not only for basketball but also when it comes to our love for our family, our friends and the 7,100 islands we call home. If we can channel our obsession to basketball to become productive citizens and be vigilant of inconsistencies in our government then we can truly be a great country. Sabi nga ni Kuyang nakasuot ng jersey ng Barangay Ginebra San Miguel, “Parang kadugtong na ng buhay ko ang basketbol.”

Thank you Kuya Rafe Bartholomew for showing us this ubiquitous but often ignored part of our culture and history. Aabangan naming lahat ang mga susunod na bahagi ng Pinoy Hoops.

Mabuhay! Hanggang sa muli mga kaibigan.🙂

PS. May tanong lang ako Kuya Rafe, makikita ba namin ang unano vs bading showdown? Thanks.

You can watch the first episode here.

Pinoy Hoops airs every Monday at 9PM on the National Geographic Channel. (Check your local listings)

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s