“Libraries will get you through times of no money better than money will get you through times of no libraries.” ― Anne Herbert
Bata pa lang ay kinahiligan ko na ang pagbabasa, kahit ano nga ay binabasa ko, kahit na nga yung diyaryong ipinambalot ng tinapa. Dahil nga sa lumaki akong walang kapatid at kadalasan ay ako lang naman ang bata sa bahay ay nilibang ko na lang ang sarili ko sa pagbabasa kesa ang kumausap ng mga imaginary friends. Hindi naman ganun kalala ang saltik ko sa utak mga giliw na mambabasa. Hehehe. Sa pamamagitan ng pagbabasa ay lumawak ang aking kamalayan at nahasa ang aking angking pagkamalikhain (kung meron man).
Sabi nga ni Bob Ong, “Hikayatin mo lahat ng kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paboritong libro sa buhay nila. Dahil wala nang mas kawawa pa sa mga taong literado pero hindi nagbabasa.”
Kaya nga nang magkaroon ng oportunidad na sumama sa book sharing project ng aking kompanyerong si Journeying James at ng kanyang mga kapwa travel blogger ay walang atubili akong nagbigay ng kaunti kong maitutulong. Ibinahagi ko ang proyekto sa isa sa aking mga blog post at kasama ang ilang volunteers ay aming tinungo ang Gubat, Sorsogon upang pormal na pasinayaan ang silid-aklatan ng Rizal Elementary School sa Gubat, Sorsogon.
Sa loob ng 50 taon ay walang silid aklatan ang paaralan, ayon na rin mismo kay Emelyn “Emm” Balatbat na isang alumnus ng paaralan at isa sa mga nagpasimula ng proyekto. Sa tulong nga ni Journeying James, iba pang travel bloggers, runners, volunteers at iba pang mga donor ay nasimulan ang book sharing project upang mangalap ng pondo at mga aklat para sa silid aklatan.
Bago ang pormal na pagbubukas ng aklatan ay nagkaroon muna ng book reading sessions sa ilang mga klase at masaya namang nakibahagi ang mga mag-aaral sa kuwento ng mga volunteers. Namigay din ng mga tsinelas kasabay ng book sharing project.
Nakakatuwang pagmasdan ang kagalakan, hindi lamang ng mga mag-aaral kundi pati na ng buong komunidad sa pagbubukas ng kanilang unang silid aklatan sa loob ng kalahating siglo. Kung dito sa atin sa Maynila ay hindi na gaanong pinapansin ang mga aklat dahil sa dami ng gadgets na mayroon ang mga kabataan, doon ay kitang kita ang kanilang kasiyahan na mayroon na silang silid na maaring puntahan upang matuto ng higit pa sa itinuturo sa kanilang mga silid aralan.
Ang aklatan ay hindi lamang bukas sa mga mag-aaral ng Rizal Elementary kundi pati na rin sa buong komunidad. Isang aklatan na bunga ng bayanihan ng mga taong may malasakit sa edukasyon ng kabataan. Aklatan na sana ay humubog sa isipan ng mga mag-aaral sa Gubat, Sorsogon hindi lamang ngayon kundi pati na rin sa susunod na henerasyon.
Mabuhay ang lahat ng nagbigay ng donasyon at nagbahagi ng kanilang oras upang mag-volunteer para sa proyekto. Sana ay simula pa lang ito ng mas marami pang mga makabuluhang gawain.
PS. On a personal note: Bagaman at may mga planong hindi natupad sa pagbiyahe ko sa Sorsogon, Lubos pa rin ang aking saya na maging bahagi ng book sharing project. Maliban sa pagtulong ay nagkaroon pa ako ng mga bagong kaibigan. You know who you are people. 🙂
Till my next rant. Peace and Stay fresh madlang pipol.
Nice, kapatid! At gusto ko yung photo mo ng books na mga estudyante yung background. 🙂
LikeLike
Salamat ng marami. 🙂
LikeLike
saw this just today! thanks panyero, added this to the list already.. sa uulitin!
LikeLike
panalo talaga kayo!! ;))) more projects to come 😉
LikeLike
Walang anuman panyero! More projects to come… 🙂
LikeLike