
(Ito ang aking sanaysay na lumabas sa pahayagang Pang-Masa noong Abril 2004. Nalaman ko lang na nalimbag ito ng matanggap ko ang e-mail ng patnugot, hindi man lamang ako nakabili ng aking kopya at di ko na rin nakuha ang honorarium ko para dito)
Menos diyes para ala-sais at nandito ako sa istasyon ng tren. Hinihintay ang pagdating ng lokal na Hogwarts Express upang dalhin ako sa aming munting tahanan.Malamang ay delayed na naman yun, pero wala akong magagawa kundi ang maghintay dahil sapat lamang ang aking pamasahe sa pagsakay ng tren.
Hindi ba’t ang ating buhay ay maihahalintulad sa isang tren, ang tren na nagdadala sa atin sa ating mga pangarap at adhikain. Kung minsan ay okey ang biyahe; mabilis, tuloy tuloy, tila walang sagabal. Nangyayari ang gusto nating mangyari at nagagawa natin ang nais nating gawin. Ngunit kadalasan ang ating tren ay nasisiraan sa gitna ng paglalakbay.
Mas masama kung sa simula pa lang ay nadidiskaril ang makina ng ating buhay. May mga sagabal sa ating tagumpay, may nakarang sa riles na ating tinatahak. Ang pagkadiskaril ay maaring sandali lamang; agad na nabibigyan ng solusyon at di natin halos namamalayan na umuusad nang muli ang ating lokomotib behikol (ikanga ng aking Lola Guimay).
Mayroon din namang panahon na matagal umusad mula sa pagkakatigil ang ating biyahe sa landas ng buhay. Ito yung panahon na nararamdaman natin ang bawat segundong lumilipas, nakabagot hindi ba? . Palagay ko ay naranasan na natin ito minsan sa ating buhay o di kaya ay narito tayo ngayon sa kalagayang ito. Nakatirik sa gitna ng riles ang sinasakyan nating tren, di natin alam kung kelan aandar, o kung aandar pang muli sa kinasasadlakan nito.
May maganda rin namang idinudulot ang minsan nating pagkakadiskaril. Natutunan nating ang anumang sira sa makina— ang makina ay ang ating sarili. Nakikita natin ang ating mga kamaliang nagawa. Nakakapagisip tayo ng bagong istratehiya, ng alternatibong paraan para sa muli nating pagusad tungo sa ating destinasyon.
At kung maihahalintulad sa tren ang ating buhay, samakatuwid ay mayroon din itong mga istasyon.Ang mga yugto ng ating buhay ang maituturing nating istasyon— pagkabata, pagiging tinedyer, early adulthood, pagaasawa atbp.. Ang katotohanan ay pare-pareho lamang ang ating mga istasyon. Mayroon nga laamng nauunang dumating doon o dili kaya ay mas pinipiling bumaba sa susunod na istasyon at nakakalimutan na ang iba pa. Ang mahalaga ay may natutunan tayo sa bawat yugto ng ating buhay, higit sa lahat ay alam natin kung saan tayo patutungo sa sandaling tumigi na ang ating biyahe.
At pag naroon na tayo sa ating destinasyon ay aalalahanin na lamang natin ang mga taong nakasabay natin sa ating biyahe. mga taong nagbigay daan upang marating natin ang ating pupuntahan at nagturo sa atin ng tamang landas tungo sa kaganapan ng ating mga pangarap.
Nahalata nyo bang di pa dumadating ang tren na sasakyan ko papuntang Alabang? Wala pa nga e, teka parang naririnig ko ang sirena nya, hay salamat. Sige maiwan ko na kayo at tulad ng ating buhay, sana ay di ito madiskaril at makarating ako ng matiwasay at walang aberya sa aming tahanan.
Teka, ano po mamang konduktor, sira ang makina! Hay naku, wala na talagang ipinagbago ang Hogwarts Express ng Pinas. Mabalik nga tayo sa sinasabi ko kanina…